Upos ng sigarilyo, ipinasok sa mata ng santo sa Bacacay, Albay

Tatlong menor de edad na itinuturing sangkot sa paglapastangan sa imahen ang inimbestigahan ng barangay.

ALBAY – Ikinalungkot ng kura paroko ng St. John Nepomucene Parish sa Bayan ng Bacacay na si Fr. Jose Nestor Berango Jr. ang kawalan ng respeto ng ilang indibidwal sa imahen ni San Juan Nepomuceno na ginawang ashtray ang kanang mata ng imahen.

Nitong Martes ng gabi, September 19, 2023 ng madiskubre ng katiwala sa simbahan ang insidente. Ayon sa kura paroko, hindi nila sukat akalain na kaya itong gawin sa loob pa mismo ng simbahan.

Samantala, tatlong menor de edad ang sinasabing nasa likod ng pambababoy. Isa kasi sa mga ito ang nag-post pa ng story sa kanyang my day sa Facebook ng kanilang group picture kasama ang imahen.

Ayon naman kay Punong Barangay Teody Bigol, iniimbestigahan na nila ang insidente at ipapatawag na rin nila sa barangay ang tatlong menor de edad kasama ang maga magulang nito.

Samantala, mas hihigpitan na rin diumano sa barangay ang ipinatutupad na curfew hours.