Unity sa pandesal recipe! Grupo ng panadero, isinusulong ang standard formula para sa pandesal

Kung iisa lang ang formula ng pandesal, na mas maalat kumpara sa kasalukuyang matamis na timpla, kayang gawing stable ang presyo nito, ayon sa isang grupo ng mga panadero.

Isinusulong ng samahan ng mga panadero na gumawa ng isang pamantayang formula sa pagluto ng pandesal para hindi basta-basta tumaas ang presyo nito sa hinaharap.

Ayon kay Lucito Chavez, pangulo ng Asosasyon ng Pilipinong Panadero (APP), magiging mas maalat ang pandesal kapag nagkaroon ng standard formula ito, na nakasanayan ng mga nakatatanda kaysa sa kasalukuyang timpla na matamis.

Paliwanag ni Chavez, mas matamis na ang timpla ng pandesal ngayon, na nangangailangan ng maraming asukal, at nagpapataas ng presyo nito.

Kung magkakasundo lang ang mga panadero sa buong bansa sa standard formula sa pandesal, mas kakayanin maging stable ang presyo nito.

“The DTI considers pandesal second only to rice. That is why we developed “Pinoy Pandesal” years ago, in order to offer consumers low-priced bread. Pinoy Pandesal in particular is subject to government price controls, but pandesal in general cannot be regulated because each bakery has their own formula,” ani Chavez.

Ginawa ang Pinoy Pandesal at Pinoy Tasty matapos magkasundo ang mga grupo gaya ng Philippine Federation of Bakers’ Associations Inc. (PFBAI), Philippine Flour Millers Inc. (PAFMIL) at Department of Trade and Industry bilang pagtugon sa di-pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng mga sangkap noon.