Unang bugso ng tulong: Pilipinas, Japan, pumirma ng P376-milyong halagang grant para sa bansa

Nagbunga na ang official state visit ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida matapos magpirmahan ang mga kinatawan ng Japan at Pilipinas sa isang kasunduan para sa grant na ibibigay sa bansa.

Pormal nang nagpirmahan ang Japan at Pilipinas ng kasunduan kung saan bibigyan ng Japan ng halagang P376 milyon na financial assistance dito sa bansa.

Ang tulong na ito, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay para suportahan ang paggawa ng mga daan at kalsada sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at para na rin sa pagpapabuti ng emergency response ng bansa.

Ang kasunduan para sa non-project grant aid (NPGA) mula Japan ay pinirmahan ni DFA Secretary Enrique Manalo and Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko bilang bahagi ng pagbisita ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa bansa.

Gagamitin ang NPGA para makabili ng mga construction equipment na gagamitin para mapaganda at mapalawak ang road network ng BARMM at para na rin maisaayos ang disaster quick response nito.

Ang NPGA ay tulong na ibinibigay ng Japan sa mga developing countries gaya ng Pilipinas kung saan gagamitin rin ang mga teknolohiya galing Japan.