Umuusad na ang kaso: Sasakyang may kinalaman sa nawawalang beauty queen, natagpuan na

Dalawang witness ang nagsabing nakita nilang nililipat ng tatlong lalaki ang isang duguang babae mula sa isang Nissan Juke papunta sa isang Honda CR-V.

Na-recover na ng mga awtoridad ang sports utility vehicle na diumano’y may kinalaman sa pagkawala ni Catherine Camilon, isang kandidata sa Miss Grand Philippines 2023.

Sa isang press conference, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo na natagpuan na’t na-recover ng Batangas City Police Station noong Huwebes, Nobyembre 9, ang isang pulang Honda CR-V na inabandona na sa isang bakanteng lote sa panulukan ng Dumuclay Road at Star Tollway sa Barangay Pallocan East.

“The car is now in the custody of our forensic group, particularly the regional field unit in Batangas. They would conduct a forensic examination which includes macro etching of the engine and together with our Highway Patrol Group, they would check its chassis and engine number so we can determine who is the owner of this vehicle. We would also check if we can lift fingerprints or bloodstains from it,” pag-uulat ni Fajardo.

Nitong linggong ito rin, dalawang witness ang nagsabi sa Criminal Investigation and Detection Group – Calabarzon (CIDG – 4A) na nakita nilang nililipat ng tatlong lalaki ang isang duguang babae mula sa isang Nissan Juke papunta sa isang Honda CR-V noong gabi ng Oktubre 12.

Ilang oras pa ay ni-report na ng pamilya ni Camilon na nawawala ang dalaga.

May pabuyang P250,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Camilon.