Umiwas maging Marites kasi! Dating mayor sa Pampanga, himas-rehas dahil tsismoso

Nag-sorry man ang dating alkalde, iginiit naman ng Kamara na "ignorance of the law excuses no one."

Ipinakulong ng House of Representatives ang dating alkalde ng Mexico, Pampanga na si Teddy Tumang dahil sa pag-anunsiyo nito sa isang press conference ng mga detalye ng isang executive session ng Kamara.

Si Tumang, na una nang tinanggal sa pagka-alkalde ng Office of the Ombudsman dahil sa mga iregularidad sa pagbili ng construction materials.

“We are citing former Mayor Tumang for contempt for violating Section 7 of our rules governing inquiries in aid of legislation, subject to motions for reconsideration,” saad ni House Committee on Dangerous Drugs chair Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa hearing ng komite.

Unang inihain ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mosyon na i-contempt si Tumang, na agad namang sinegundahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro.

Humingi naman ng dispensa si Tumang, subalit itinuloy pa rin ng komite ang pagpapakulong rito.

“Kung may pagkakamali po sa nagawa ko humihingi po ako ng malaking sorry,” aniya sa komite.

Hindi naman ito tinanggap ni Acop.

“The ignorance of the law excuses no one,” paliwanag pa niya.

Tatagal ng 30 araw ang pagkakakulong ni Tumang.