Umawat na, nadamay pa! Konduktor, patay matapos mamagitan sa girian ng drayber at rider

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tumatahak papuntang Leyte ang bus mula Maynila nang muntikan na nitong masagi ang isang motorsiklong nakatigil sa gilid ng daan kaya hinabol ito ng rider.

Patay ang isang konduktor na diumano’y namamagitan lamang sa pagtatalo ng drayber ng bus at isang rider ng motorsiklo.

Nangyari ang insidente sa Barangay Sta. Catalina sa Candelaria, Quezon nito lang Huwebes ng gabi, Enero 11.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tumatahak papuntang Leyte ang bus mula Maynila nang muntikan na nitong masagi ang isang motorsiklong nakatigil sa gilid ng daan.

Dito na hinabol ng rider ang bus sa habulang umabot raw ng halos isang kilometro.

Nang magpang-abot, bumaba umano ang konduktor upang awatin ang dalawa.

“Nagulat or nabigla itong suspek natin, so hinabol niya itong bus. Dumating sa point na for almost one kilometer na paghabol niya doon sa bus,” kwento ni Lt. Col. Bryan Merino, hepe ng Candelaria Police. “Itong si konduktor, bumaba. Then, he wants to pacify the two. Hindi din natin masabi kung nagkaroon ng pagsasagot or mga salitang nabitawan ng both.”

Nabaril ang konduktor samantalang ligtas naman ang drayber ng bus.

Agad namang tumakas agad ang rider, na pinaghahanap na ng kapulisan.