Ulo ng babae, ginawang ‘regalo’ ng isang lalaki sa kaniyang mga kainuman

Ang suspek, na diumano'y may kaso na sa paggamit ng iligal na droga, ay nakikipag-inuman bago gawin ang karumal-dumal na krimen sa bahay mismo ng walang kalaban-laban na biktima.

Tinaga at pinugutan ng ulo ang isang 65-anyos na babae sa loob mismo ng kaniyang tindahan sa Barangay Cayanugan, Bayugan City sa Agusan del Sur.

Matapos nito ay binitbit pa ng suspek ang pugot na ulo ng biktima at ibinigay na “regalo” sa mga kainuman niya.

Kinilala ng Bayugan Police ang suspek bilang si Mario Fortun, 48, na nakikipag-inuman bago mangyari ang karumal-dumal na krimen.

“Bigla siyang [suspek] umalis, nag-iwan ng salita sa mga kainuman na, ‘Gusto niyo ng regalo? Kasi bibigyan ko kayo sandali lang.’ Pumunta siya sa bahay ng victim, pumasok siya sa tindahan, which is doon lang din ang bahay ng victim. May dala-dala siyang bolo, tinaga, at ayun na, pinugutan ng ulo ang victim,” kwento ng hepe ng Bayugan Police Station na si Lt. Col. Shalom Faye Cornelio.

Ilang sandal pa ay bumalik si Fortun na bitbit na ang pugot na ulo ng biktima, na kaalitan diumano niya.

“Konting alitan lang dahil sa bulaklak ng victim, sagabal daw sa dinadaanan ng suspek. Nagalit ang suspek ang bulaklak [ng victim] may mga tinik. In response sinabihan daw [ni victim] si suspek na magnanakaw,” dagdag ni Cornelio.

Batay rin sa imbestigasyon, dating adik si Fortun, kaya isasailalim ito sa drug test.