UK, gustong mas mapalapit sa Pilipinas

Inihayag ng gobyerno ng United Kingdom ang layunin nitong mas palakasin ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas sa aspeto ng defense at investment.

Inihayag ng gobyerno ng United Kingdom ang layunin nitong mas palakasin ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas sa aspeto ng defense at investment.

Ito ay matapos makipag-pulong si UK Prime Minister’s Trade Envoy to the Philippines Richard Graham kay Defense Secretary Gibo Teodoro kamakalawa sa Camp Aguinaldo.

Sentro ng naturang meeting ang security challenges sa rehiyon, partikular ang sigalot sa South China Sea.

Ayon kay Defense spokesperson Arsenio Andolong, ang dalawang opisyal ay parehong nagpahayag ng interes sa pagpasok sa mga joint venture kasama ang British investors at iba pang uri ng kooperasyon na susuporta sa modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Kasama rin sa pagpupulong sina UK Ambassador to the Philippines Laure Beaufils, UK Country Director for Trade and Investment Dr. James Thackery, at British Defense Attaché to the Philippines Group, Captain Bea Walcot.