Tutulong kami d’yan: Romualdez, hinimok ang Kamara na gumawa ng mga batas para sa ‘bloodless’ drug war ni PBBM

Full support ang House of Representatives, sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez, sa bloodless drug war ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa isang mambabatas

Tutulungan ng House of Representatives ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mas mapaigting pa nito ang kampanya laban sa iligal na droga.

Kaugnay nito, sinabi ni Rep. Dan Fernandez ng Santa Rosa, Laguna nitong Martes, Oktubre 24, na magsasagawa ng mga hearing ang House Committee on Public Order and Safety kung saan tatalakayin nito ang mga kailangan upang mas matulungan pa ang “bloodless” at “brilliant” drug war ng pamahalaan.

“President Marcos has demonstrated that a bloodless campaign against illegal drugs can be an effective one. Basta sama-sama dito ang law enforcers, kami sa lehislatura bilang oversight, at syempre ang taumbayan. We will have more success in this campaign for sure,” giit ni Fernandez, na sinabi ring utos ni House Speaker Martin Romualdez ang pagbuo ng mga bagong batas na susuporta sa drug war ni Marcos.

Pinapurihan rin ni Fernandez ang kampanyang ito, na aniya ay matagumpay sa pagsugpo sa iligal na droga na walang mga pinapatay at hindi gumagamit ng karahasan.