Tutok sa turo: Administrative work ng mga guro, aalisin na para tutukan ang pagtuturo sa mag-aaral—DepEd

Matagal nang pabigat sa mga guro ang patung-patong na administrative tasks na dapat nilang gawin, bukod pa sa aktwal na mga gawain na may kinalaman sa pagtuturo. Kanya naman nais ng Department of Education na tanggalin na ang hirap na ito.

Magandang balita para sa mga guro!

Nakatakdang maglabas ng mga polisiya ang Department of Education (DepED) na naglalayong tanggalin ang patung-patong na administrative tasks ng mga guro, gaya ng record-keeping at record-filing, event management, at mga extracurricular activities.

Layon ng hakbang na ito na tulungan ang mga guro na mas matuunan ng pansin ang pagtuturo upang mapataas na rin ang antas ng edukasyon sa bansa.

“The main purpose of this policy, is that we have to give support to our teachers to teach better and get out from those administrative tasks being done, kasi marami pong mga teachers talaga ang ina-assign to do administrative tasks,” paliwanag ni Mario Bermudez, director ng Bureau of Human Resource and Organization Development ng DepEd.

Ayon rin kay Bermudez, isa ito sa mga “high-impact policy” na ilalabas ng DepEd sa mga susunod na linggo.

“This is to maximize the role of teachers concentrating teaching inside the classroom. So, ipapalabas po natin na aalisin yung administrative tasks na ginagawa karaniwan ng mga teacher natin,” aniya.

Kaugnay niyan, ipapanukala ng DepEd ang pagkuha sa tinatayang 5,000 non-teaching personnel mula sa mga local government units (LGUs), na siya namang gagawa ng mga administrative tasks na ito.