Tungo sa mura at sapat na pagkain! Maharlika fund, tutulong sa food security ng bansa—Romualdez

Bukod pa sa food security, makatutulong rin umano ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa pagpapatupad ng mga legacy projects ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ibinidang muli ni House Speaker Martin Romualdez ang Maharlika Investment Fund (MIF) nitong Martes, Disyembre 12. Aniya, ito ay maaaring maging instrumento upang siguruhin ang food security ng Pilipinas.

“We are trying to look at ways to boost our rice self-sufficiency and production because in our eyes, rice or food security is national security,” saad ni Romualdez sa kaniyang talumpati sa Christmas party na ginanap ng Kamara para sa mga mamamahayag ng House of Representatives.

Kaugnay niyan, sinabi ni Romualdez na tinalakay na nila ito ni Rafael Jose Consing Jr., ang pangulo at chief executive officer ng Maharlika Investment Corporation (MIC), na siyang mangangasiwa sa mga transaksiyon at investment ng MIF.

Ayon pa sa Speaker, “very much interested to do PPPs (Public-Private Partnerships) for this particular endeavor” si Consing, na pinili mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangunahan ang MIC.

Sa katunayan, tinitignan ngayon ng pamahalaan ang retrofitting at pagpapalaki ng Magat Dam, sa boundary ng Ifugao at Isabela.

Kung matutuloy, makatutulong ang naturang proyekto sa pagdoble sa produksiyon ng bigas sa Hilagang Luzon, ayon kay Romualdez, dahil pangunahing pinagkukuhanan ng irigasyon ang Magat Dam.

Bukod pa sa food security, makatutulong rin umano ang MIF sa pagpapatupad ng mga legacy projects ni Pangulong Marcos.