Tungo sa kapayapaan na pangmatagalan: MNLF, ikinalugod ang pagbigay ng amnesty ni PBBM sa mga miyembro nito

Bibigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng MNLF bilang tugon sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsigurong tutulong sila sa pagsasa-ayos ng lipunan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ikinagalak ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang pagbigay ng amnestiya ng gobyerno sa mga miyembro nito sa ipinalabas na kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa isang pahayag, sinabi ni Deputy Speaker Ustadz Abdulkarim Tan Misuari na patunay sa sinseridad ni Pangulong Marcos ang Proclamation No. 406, kung saan magbibigay ng amnestiya ang gobyerno sa mga miyembro ng MNLF na nais magbalik-loob sa gobyerno.

“Extending amnesty to the members of the MNLF by issuing Proclamation No. 406, dated November 22, 2023, President Marcos, Jr. has displayed his genuine desire to heal the wounds of the past and foster brotherhood,” ani Misuari.

“Furthermore, by choosing amnesty, the President showcases his sincerity and foresight, recognizing that dialogue and negotiation are keys to resolving conflicts with those who once stood against the government,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa ni Misuari, makakatulong ang amnestiya sa pagbigay ng pagkakataon sa hanay ng MNLF na manumbalik sa lipunan at tumulong pa sa pagtataguyod ng bayan.

Ayon sa Pangulo, bibigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng MNLF bilang tugon sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsigurong tutulong sila sa pagsasa-ayos ng lipunan.

“The grant of amnesty in favor of the foregoing group and individuals will promote an atmosphere conducive to the attainment of a just, comprehensive, and enduring equanimity and is in line with the government’s call for peace, unity, and reconciliation to bring closure to past enmity, rancor, and bitterness that has stymied lasting amity among the Filipino people,” ayon sa Pangulong Marcos.