Tungo sa Bagong Pilipinas! Kumpyansa ng IMF sa pagsigla ng ekonomiya ng bansa, malaking puntos sa PBBM admin – Romualdez

Ikinagalak ni House Speaker Martin Romualdez ang positibong pananaw ng International Monetary Fund (IMF), at nangakong ipagpapatuloy ang trabaho sa Kamara upang suportahan ang adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kumpyansa ang isang team mula sa International Monetary Fund (IMF) na makakabawi ang ekonomiya ng Pilipinas sa nalalabing buwan ng taong 2023 upang makuha ang target na 6-7% na growth rate na nais mangyari ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Nakausap ni Romualdez sa isang pulong ang IMF mission team sa pangunguna ni Jay Pereis, na nagsabing nakikitaan nila ng kakayahan ang bansa na umarangkada sa mga susunod na buwan at magpatuloy ito hanggang 2024, kahit na hindi maganda ang klima ng ekonomiya sa buong mundo.

“This forecast is not only encouraging but also a testament to the resilience and hard work of our nation’s people, as well as the sound economic policies and reforms implemented by the administration of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” ani Romualdez.

“This positive outlook from the IMF should serve as motivation for us all to redouble our efforts in revitalizing our economy. It is a reminder that our nation has the potential to rebound and emerge stronger from any adversity,” dagdag pa niya.

Ibinahagi ni Romualdez na ipinasa na ng Kamara ang 2024 national budget, habang tinatapos na rin ng kapulungan ang iba pang prayoridad na panukala ng gobyerno.

Sinabi ng IMF team na napakahalaga ang maagang pagpasa ng budget dahil magkakaroon ng sapat na pondo sa unang quarter ng 2024 para sa mga proyekto ng gobyerno na magiging mabuti para sa ekonomiya.

Sinabi ng IMF na nakadagdag rin sa kanilang positive outlook sa Pilipinas ang pagpasa ng Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act, at Public Services Act para lalo pang humikayat sa mga mamumuhunan sa bansa.