‘Tunay na mga bayani’: PBBM, binigyang-pugay ang mga social workers sa orphanage centers, shelters

Binigyang-pugay ng pangulo ang mga social workers na buong-pusong nag-aalaga sa mga bata sa orphanage center at shelter.

Bukod sa pamimigay ng maagang Pamasko sa mga batang naninirahan sa mga shelter at orphanage center, binigyang-pugay rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang mga social workers na buong-pusong nag-aalaga sa kanila.

“Higit sa mga laruan at kagamitan, hatid natin ang mainit na yakap, pag-aaruga at pag-unawa,” saad ni Marcos sa isang Facebook post noong Linggo, Nobyembre 26, matapos ang “Balik Sigla, Bigay Saya” gift-giving program ng Palasyo.

“Ang mga social worker na nag-aalaga sa kanilang pangangailangan ay tunay na mga bayani na nagbibigay-buhay sa diwa ng pagmamahal at pagkalinga,” dagdag pa ng pangulo.

Mahigit 17,000 na bata sa buong bansa ang nakatanggap ng mga regalo sa programang inilunsad ng Office of the President kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga pribadong kumpanya.