Tulungan ang nagpapakain sa bayan! DBM, nagpalabas ng P50-M pondo para sa mga magsasaka, mangingisda

Gagamitin ang pondo para sa pagpapatupad ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program, na magpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda.

Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P50 milyon para pondohan ang enterprise development program para sa mga magsasaka at mga mangingisda.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na inaprubahan na niya ang mga Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P50 milyon para sa Department of Agriculture (DA).

Popondohan nito ang pagpapatupad ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program sa ilalim ng Republic Act No. 11321 o ang “Sagip Saka Act,” ayon sa 2023 general appropriations act.

Minamandatohan ng batas ang DA na gumawa ng kumpletong programa para sa enterprise development para sa mga magsasaka at mangingisda upang palakasin pa ang kultura ng pangangalakal sa mga ito.

Mula sa batas, lumikha ng DA ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program, paliwanag pa ng DBM.

“Food security will remain a government priority. Increased funding will be provided for the Department of Agriculture’s major programs… Alongside the development of land-based agri-industries, the government shall also spur the growth of aquaculture,” ani Pangandaman.