Tuloy-tuloy lang sa trabaho: P5.768-T national budget para sa 2024, kasado na bago mag-Pasko—Romualdez

Tiwala si Speaker Martin Romualdez na matatapos kaagad ng Senado ang pagbusisi sa national budget sa susunod na buwan.

Tiwala si House Speaker Martin Romualdez na maaaprubahan na ang P5.768-trillion General Appropriations Bill (GAB) for 2024 bago mag-Pasko.

“Mataas ang kompiyansa natin kasi maaga ang pagsumite natin sa ating mga kapatid natin sa Senado,” sabi ni Romualdez nang pangunahan niya ang pagpasa ng Kamara sa Senado ng panukalang budget ng bansa.

Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang GAB sa ikatlo at huling pagbasa noon pang Setyembre 27.

“At I am sure na gagawin nilang lahat para matatapos itong budget para mapipirmahan ito ng ating mahal na Presidente bago mag-Pasko,” dagdag pa ng Speaker.

Matapos busisiin ng Kamara, ang Senado naman ang hihimay sa GAB, na nakabatay sa National Expenditure Program ng Malacañang.