Tuloy-tuloy lang sa paggawa: 3 ‘high-impact’ projects ni PBBM, aprubado na ng NEDA

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang tatlong high-impact infrastructure projects ng pamahalaan, kabilang na ang pagpapatayo ng mga tulay at pagpapalagas sa Coast Guard.

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang tatlong high-impact infrastructure projects ng pamahalaan matapos ang ika-11 na pagpupulong nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang Palace nitong Huwebes, Nobyembre 9.

Sa isang Palace briefing, inanunsiyo ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA director general Arsenio Balisacan ang tatlong proyektong naaprubahan na:

1. Pang-Agraryong Tulay Para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka (PBBM) Bridges Project ng Department of Agrarian Reform na nagkakahalagang P28.2 bilyon

2. Phase 3 ng Maritime Safety Capability Improvement Project ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagkakahalagang P29.3 bilyon

3. Revised parameters, terms, and conditions (PTCs) ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Extension Project.

Paliwanag ni Balisacan, layon ng PBBM Bridges Project ma magpagawa ng mahigit 350 modular steel bridges upang maikonekta ang mga agrarian reform communities.

Samantala, layon naman ng Phase 3 ng Maritime Safety Capability Improvement Project na mas pag-igtingin pa ang mga kapasidad ng PCG, habang bubuksan ng revised PTCs ang pagsusumite ng mga proposal para sa TPLEX extension.