Tuloy-tuloy ang tulong: AKAP program para sa maralitang Pilipino, tuloy hanggang 2025–Romualdez

Isa sa mga pangunahin layunin ng pamahalaang Marcos ay ang pagtulong sa mga maralitang Pilipino, at ang Ayuda sa Kapos ang Kita program na isinulong ng Kamara ay isa sa mga paraan para magawa ito.

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez nitong Miyerkules, Disyembre 20, na tuloy-tuloy hanggang 2025 ang Ayuda sa Kapos ang Kita program (AKAP) ng pamahalaan, at na popondohan ito ng P60 bilyon sa nasabing taon.

“We intend this to be a continuing program to help our people. Thus, it is critical that we should make it work in its first year of implementation,” ani Romualdez.

BASAHIN RIN: Angat lahat! 2024 budget, Halos P500-B sa 2024 national budget, inilaan para sa maralitang Pilipino—Romualdez

Ayon sa Speaker, isinulong ng House of Representatives ang nasabing programa sa P5.768-trilyong national budget para sa 2024 upang mabigyan ng cash assistance ang mga maralitang pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng AKAP, makatatanggap ng P5,000 na cash assistance ang mga pamilyang kumikita lamang ng P23,000 pababa.

Pinondohan ito ng P60 bilyon, at target nitong tulungan ang tinatayang 12 milyong pamilya.

“We just have to make sure that the beneficiaries are qualified under government criteria and the money reaches them on time and with sufficient safeguards in place,” dagdag ni Romualdez.

Kung magagawa ito, walang magiging problema sa pagpapatupad ng nasabing programa.