Tuloy-tuloy ang trabaho bago ang holiday recess: Priority bills ni PBBM, aprubado na ng Kamara

Patuloy ang pagkayod ng Kamara upang isa-isang maipasa ang mga panukalang batas na itinakda ng pangulo bilang prayoridad nito. Makatutulong ang mga nasabing panukala upang makamit ang Bagong Pilipinas.

Inaprubahan na ng House of Representatives nitong Martes, Disyembre 12, ang tatlong priority measures ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang mga ito ay ang House Bill (HB) No. 9663, or ang National Water Resources Act; HBN 9648, o ang New Government Procurement Reform Act, at HBN 9674, o ang Revised Government Auditing Act.

May 254 affirmative votes, 3 negative votes, at walang abstention ang HBN 9663. Layon nitong magtayo ng Department of Water Resources, na gagarantiya sa wastong paggamit ng lahat ng water resources sa bansa, at ng Water Regulatory Commission, na siyang mangangasiwa sa mga water service providers.

Nakakuha naman ng 251 affirmative votes, 3 negative votes, at walang abstention ang HBN 9648, na naglalayong padaliin at gawing transparent ang proseso ng procurement gamit ang makabagong teknolohiya.

Samantala, 258 na mambabatas ang nag-apruba sa HBN 9674, na layong ihanay ang Presidential Decree No. 1445 sa pandaigdigang mga pamantayan sa accounting at auditing.