Tuloy na tuloy na! Flagship program ng gobyerno kontra gutom, aarangkada na sa Disyembre — DSWD

Sinertipikahan ng Executive Order No. 44 bilang flagship program ng gobyerno ang WALANG GUTOM 2027: Food Stamp Program, at aarangkada na ito ng tuluyan simula Disyembre.

Nakatakdang isagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang malawakang pilot implementation ng WALANG GUTOM 2027: Food Stamp Program ng gobyerno sa darating na Disyembre.

Inanunisyo ito ni DSWD Undersecretary for Innovations Eduardo Punay sa ika-3 Nutrition Education Session and 4th Redemption Day ng mga unang benepisyaryo ng programa sa Torres Covered Court sa Barangay 154, Tondo, Manila, nitong Miyerkules, Oktubre 19.

“Right now, we are doing the pilot implementation. Three thousand families sa loob ng limang pilot sites ang target, and we will go full blast on the pilot implementation come December,” paliwanag ni Punay sa isang panayam sa media.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang pagbaba ng Executive Order (EO) No. 44 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang masiguradong magiging matagumpay ang programa. Sinertipikahan ng EO 44 na flagship program ng pamahalaan ang WALANG GUTOM 2027: Food Stamp Program, kung kaya siguradong mapopondahan ito.

Ang programang ito ay mamamahagi ng tulong sa pagkain sa mga maralitang pamilya, pati na rin sa mga buntis.