Tuloy ang trabaho! Romualdez: Kamara, inaayos ang mga polisiya sa pagsuporta sa pag-arangkada ng ekonomiya

Pinakinggan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga suhesyon ng IMF mission team na tutulong magpaganda pa ng ekonomiya.

Ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez ang kahandaan ng Kamara na magpasa ng mga panukalang batas na tutulong manghikayat ng mamumuhunan sa bansa.

Sinabi ito ni Romualdez matapos makipagpulong sa isang mission team ng International Monetary Fund (IMF), na nagsabing kaya pang umarangkada ng ekonomiya ng bansa dahil sa mga positibong polisiyang ipinapasa ng gobyerno.

Ayon sa IMF mission team, makakatulong suportahan ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kapag naging ganap na batas ang Amyenda sa Public-Private Partnership (PPP) Act, at Fiscal Regime for the Mining Industry Act.

Makakatulong ang Fiscal Regime for the Mining Industry Act sa pagsasaayos ng singil sa operasyon ng mga minahan, at mahikayat ang mga investor na pumasok sa bansa.

Bahagi ng mga suhestyon ng IMF kay Romualdez ang pagtanggal ng red tape sa pag-isyu ng mga permit para sa mga negosyante, at paghigpit ng batas laban sa money laundering.

“We understand that there is still work to be done to ensure this projection becomes a reality. The government will continue to focus on policies that promote economic stability, job creation, and sustainable growth,” ani Romualdez.

“We will also work to improve the investment climate and further enhance our economic resilience in the face of external shocks,” dagdag pa niya.