Tuloy ang suporta sa magsasaka! P12.7 bilyong ayuda sa magsasaka, ipinamahagi ni PBBM

Bahagi ang pagbabahagi ng ayuda para suportahan ang mga magsasaka na magkaroon ng maraming ani at patuloy na ma-enganyo magtanim, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbabahagi ng P12.7 bilyon sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program na tutulong sa kanila upang paramihin pa ang ani.

“[This would] help them cope with the increasing cost of production and sustain their productivity even in the face of challenges like the coming El Niño [phenomenon],” paliwanag ni Pangulong Marcos.

Tinatayang nasa 2.3 milyong benepisyaryong mga small rice farmer ang makikinabang sa programa. Makakatanggap ang mga ito ng P5,000 financial assistance mula sa sobrang taripa mula sa imbak na bigas noong 2022 na nagkakahalaga ng P12.7 bilyon.

Bahagi ng mga benepisyaryo ang mga farm cooperatives associations (FCAs), irrigators associations (IAs), agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), small water impounding systems associations (SWISAs), at iba pang mga grupo.

Pinapalabas na rin ng Pangulong Marcos ang paggamit sa P700 milyong sobrang taripa para sa “Palayamanan Plus,” isang uri ng conditional cash transfer sa ilalim ng Household Crop Diversification Program.

Makikinabang rito ang 78,000 na benepisyaryo na makakatanggap ng P10,000 ayuda kada isa.

“Bilang inyong Pangulo at Kalihim ng Agrikultura, patuloy po tayong gumagawa ng mga konkretong solusyon upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura,” sinabi ng Pangulo.

“Kaya naman, ang hamon ko sa inyo, mga kapwa Pilipino: Magtulungan po tayo upang maisaayos ang ating agrikultura at maisakatuparan ang pangarap natin ng ‘Bagong Pilipinas’ – kung saan matatag, maginhawa at panatag ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.