Tuloy ang ayuda! Fuel subsidy sa mga tsuper, operator, exempted na sa election ban – Comelec

Pumayag na ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy matapos gawaran ito ng exemption ng komisyon sa election spending ban.

Pinayagan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbabahagi ng fuel subsidy ng gobyerno para sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.

Iginawad ng Comelec ang exemption sa fuel subsidy program, na pinapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mula sa election spending ban kaugnay sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre.

“By virtue of the authority granted upon me under COMELEC Resolution No. 10944, promulgated on 09 August 2023, the recommendation of the Law Department is hereby approved,” ayon sa memorandum, na pinirmahan ni Comelec chairman George Erwin Garcia.

Ipinagbawal ng Comelec ang paggastos ng pondo ng gobyerno sa mga social welfare programs habang umiiral ang election period para sa nalalapit na BSKE. Nagsimula ang ban noong Setyembre 15 at matatapos ito ng Oktubre 30, sa araw ng halalan.

Paliwanag ni Garcia, saklaw lang ng election ban ang mga pagbabahagi ng ayuda ng mga barangay. Ngunit minabuti na rin ng komisyon na magpalabas ng resolusyon ukol sa fuel subsidy para makaiwas sa usaping legal.