Tulong-tulong dapat lahat: Maging responsable sa paggamit ng enerhiya — PBBM

Kaakibat ng panawagang ito ng pangulo ay tiniyak niyang patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya.

Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng Pilipino na maging responsable sa paggamit ng enerhiya ng bansa, partikular na ang kuryente.

“As we pursue the path of sustainable development, it is important that we develop a keen awareness of our energy consumption,” saad ni Marcos sa kaniyang pahayag sa paggunita ng 2023 National Energy Consciousness Month (NECM), na pinangungunahan naman ng Department of Energy (DOE).

Ayon sa pangulo, dapat pag-isipang mabuti ng mga Pilipino kung paano nito ginagamit ang kuryente at matutong gamitin ito sa maayos at responsableng paraan.

“With everyone’s help, we can build a more sustainable and resilient future for us and for the generations that will follow,” aniya.

Dagdag niya, mabuting ehemplo rito ang mga nakatanggap ng Energy Efficiency Award ng DOE, na layong parangalan ang mga indibidwal at organisasyong nagsusulong sa energy efficiency at wastong paggamit nito.

“I hope that with their example, we can inspire the rest of the country to become more conscious in utilizing our energy supply more responsibly,” saad ni Marcos.

Tiniyak rin niyang patuloy na naghahanap ng alternatibong pagkukunan ng enerhiya ang pamahalaan.