Tulfo naalarma sa mala-Chinese invasion sa isang Parañaque subdivision

Nagbabala si Senador Idol Raffy Tulfo laban sa nakakabahala at patuloy na pagdagsa ng mga Chinese national sa Multinational Village sa Parañaque City.

Nagbabala si Senador Idol Raffy Tulfo laban sa nakakabahala at patuloy na pagdagsa ng mga Chinese national sa Multinational Village sa Parañaque City.

Ayon kay Tulfo, naghain siya ng Senate Resolution No. 1043 upang imbestigahan ang problemang ito, matapos umano na sunud-sunod ang mga reklamo ng mga residenteng may-ari ng naturang subdivision.

“Kamakailan ay sunod-sunod ang mga natatanggap ko na reklamo mula sa mga homeowner ng Multinational Village sa Parañaque City tungkol sa pagsakop na ng mga Chinese national sa kanilang lugar. Nagmistulang Chinese territory na raw ang kanilang subdivision,” sabi ni Senador Tulfo.

Aniya, may duda rin ang mga residente na maaaring mayroong mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na nagoopera sa loob ng Multinational Village.

Noong 2020, sinimulan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagimbestiga sa kaduda-dudang pagdagsa ng mga Chinese national sa nasabing village, ngunit naudlot ito dahil sa pandemya.

Ayon kay Tulfo, hanggang ngayon ay patuloy na nabubuhay sa takot ang mga residente-may-ari ng Multinational Village para sa kanilang seguridad.

Nitong nakaraang Mayo 2, 2024, may sampung Chinese national na arestado sa loob ng isang bahay sa Multinational Village dahil sa paglabag sa iba’t ibang batas.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Tulfo na kailangan nang rebyuhin ang ating immigration laws at posibleng mga butas nito upang matugunan ang isyung ito.