Tugisin ang salarin! PBBM, tiniyak na mananagot ang may sala sa pagkamatay ng 3 mangingisdang Pinoy

Nakiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga naulila ng tatlong mangingisdang namatay sa isang banggan sa karagatan.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang papanagutin ang mga may sala sa pagkamatay ng tatlong mangingisdang Pinoy na namatay kamakailan nang bumangga ang kanilang sinasakyang bangka sa isang hindi pa nakikilalang marine vessel sa may Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.

“We assure the victims, their families, and everyone that we will exert every effort to hold accountable those who are responsible for this unfortunate maritime incident,” pagtitiyak ni Marcos sa isang post sa X (dating Twitter), kung saan nagpaabot rin siya ng pakikiramay sa mga naulila.

Dagdag naman ni Marcos, pinangungunahan na ng Philippine Coast Guard ang imbestigasyon sa nangyaring insidente.

“Currently, the Philippine Coast Guard is backtracking and checking all monitored vessels in the area as part of its ongoing investigation,” pahayag pa ni Marcos. “Let us allow the PCG to do its job and investigate, and let us refrain from engaging in speculation in the meantime.”

Tiniyak rin ng pangulo na magpapaabot ang pamahalaan ng kaukulang tulong sa mga naulila ng tatlong mangingisda.