Tropang tunay tayo: PBBM, US Vice President Kamala Harris pinagtibay ang cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos

Pinagtibay ng US at Pilipinas ang kanilang pagiging magkatuwang, lalo na sa mga kaganapan sa South China Sea, sa isang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US Vice President Kamala Harris.

Matapos makapulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ay naka one-on-one naman nito ang Bise Presidente ng Estados Unidos na si Kamala Harris.

Ang mga naturang pagpupulong ay bahagi ng pagdalo ng pangulo sa ika-43 ASEAN Summit sa Indonesia.

Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ni Marcos at Harris ang mga kagapanapan South China Sea at naglayong pagtibayin ang mga pagkakataon upang mapahusay ang bilateral maritime cooperation ng dalawang bansa at ng mga katuwang nito sa Southeast Asia.

Ayon sa isang pahayag mula sa White House ng Estados Unidos, tiniyak rin ni Harris sa nasabing pulong ang buong suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas, partikular na sa pagsigurado sa isang mapayapa at maunlad na Indo-Pacific.

Hindi ito ang unang pagpupulong nina Marcos at Harris. Matatandaang nakausap na ng pangulo si Harris noong Pebrero sa kanyang state visit sa US.

Una na ring nagkita at nagkausap ang dalawa ng bumisita naman si Harris sa Pilpinas noong Nobyembre 2022.

Sa bawat pagkakataon, binigyang diin ng parehong lider ang suporta sa kanya-kanyang bansa.