Trip lang o may motibo talaga? Lalaki, sumakay sa trak ng militar, inararo ang isang pamilihan sa Davao

Sumakay ang suspek sa nakaparadang KM450 ng Task Force Davao, na siya nitong pinaandar dahil iniwan itong tumatakbo pa ang makina.

Dead on the spot ang dalawang indibidwal samantalang tatlo pa ang sugatan matapos araruhin ng trak ng militar ang isang pampublikong pamilihan sa Davao City nitong Linggo, Disyembre 24.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Davao City police, nakaparada ang KM450 ng Task Force Davao sa lansangan subalit iniwang tumatakbo ang makina nito. Dito na sumakay ang isang 44-anyos na lalaki sa trak. Pinaandar nito ang trak at inararo ang mataong bahagi ng Bankerohan Public Market.

Patay agad ang isang 43-anyos na lalaki at isang 34-anyos na babae, samantalang isinugod ang mga sugatan sa Southern Philippines Medical Center.

Arestado naman agad ang suspek sa insidente. Kasalukuyan pang iniimbestigan ng Davao City police ang maaaring motibo nito.