Traslacion 2024 update: Pakiusap ng mga organizers sa mga deboto, huwag nang umakyat pa sa andas

Puspusan na ang paghahanda ng mga organizers ng Traslacion 2024, at sa katunayan, handa na ang andas na paglalagyan ng imahe ng Itim na Nazareno.

Puspusan na ang paghahanda ng mga organizers ng Traslacion 2024, kasama ang Simbahan ng Quiapo, lokal na pamahalaan ng Maynila, at ang Philippine National Police (PNP), lalo pa’t ilang araw na lamang at magpipista na ang Itim na Nazareno.

At sa nalalapit na pagbabalik ng banal na prusisyon, may isa pang pakiusap ang mga organizers sa mga deboto ng Itim na Nazareno: Huwag nang umakyat sa andas nito.

Katunayan, handa na ang andas na paglalagyan ng imahe ng Itim na Nazareno, pati na ang glass casing nito. Subalit hindi pa ito pinapakita ng mga organizers sa publiko para na rin sa seguridad.

“Hindi naman siya talagang malaking pagbabago, kundi pagpapanumbalik, na kung saan all throughout ng prusisyon, sa ibabaw ng andas, makikita ng lahat ang imahe ng Itim na Nazareno,” paliwanag ni Traslacion 2024 spokesperson Fr. Hans Magdurulang sa desisyon ng mga organizers na maglagay ng glass casing. “Dahil kung mapapansin natin sa mga previous years, minsan mas marami ang tao kaya natatakpan na ‘yung imahe ng Nazareno.”

Gayunpaman, gaya ng nakagawian, may mga piling Hijos de Nazareno pa ring sasakay sa andas para saluhin ang mga ibinabatong panyo o rosaryo ng mga deboto. May lubid ring gagamitin sa pag-akay ng andas papunta sa Simbahan ng Quiapo.