Tradisyong may pagbabago: Itim na Nazareno, ipapaloob sa glass casing sa Traslacion 2024

Nanawagan rin ang mga Hijos Del Nazareno sa mga deboto na sundin ang mga ibababang guidelines ng mga organizers para sa isang ligtas at mapayapang Traslacion 2024.

Bahagi ng krus na lamang ang mahahawakan ng mga deboto ng Itim na Nazareno kung matutuloy nga ang plano ng mga organizers ng traslacion na ipaloob sa isang glass casing ang banal na imahe habang nasa prusisyon ito.

Una nang inanunsiyo ng mga organizers ng Traslacion 2024 ang balak nito para sa Itim na Nazereno noong Martes, Disyembre 26, at suportado ito ng Hijos Del Nazareno (HDN).

Ang HDN ang grupong responsable sa pagprotekta sa Itim na Nazareno habang ipinuprusisyon ito mula Quirino Grand Stand hanggang Quiapo Church. Para sa grupo, makatutulong ang naturang plano upang masiguro ang kaligtasan ng imahe at pati na rin ng mga deboto.

“Disgrasya at ‘di kasi maiiwasan na may papanhik. ‘Pag pumanhik ang deboto di mo mapigil ‘yan lalo na pag hinawakan ang kaniyang krus. Sa krus pa lang, makikita natin, nilalambitinan. Buwis-buhay po kung tawagin natin,” paliwanag ni HDN Basilica Head Orlando Giray.

Kaugnay niyan, nanawagan ang mga Hijos sa mga deboto na sundin ang mga ibababang guidelines ng mga organizers para sa isang ligtas at mapayapang Traslacion 2024.