Trade groups, ikinalugod ang pagpapalabas ng price controls sa bigas upang pigilan ang inflation

Dalawang trade groups ang nagpahayag ng suporta sa hakbang ng gobyernong magtakda ng presyo ng bigas upang pigilan ang pagtaas nito sa lalong madaling panahon.

Malugod na tinanggap ng dalawang grupo ng negosyante ang Executive Order (EO) No. 39 dahil epektibo raw ang hakbang na ito upang pabagaling ang tumataas na presyo ng bigas.

Sa isang panayam, sinabi ni Danilo Fausto, pangulo ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), na ang pagtakda ng presyo sa bigas sa bisa ng EO No. 39 ay maaari maging panandaliang hakbang sa walang habas na pagtaas ng presyo nito.

“It’s (price controls) okay so long as it’s just temporary. But there is no substitute to increasing productivity,” aniya.

Habang umiiral ang kontrol sa presyo ng bigas, hinikayat ni Fausto ang Department of Agriculture (DA) na ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng programa upang lalong magkaroon ng greater rice productivity. Isa sa mga programang nakikita ni Fausto ay ang paggamit ng mga high-yield variety ng palay, maging ang pagsasama-sama ng mga lupang pang-agraryo upang lumaki pa ng husto ang kakayahan ng mga magsasaka.

Dagdag pa ni Fausto, kailangan rin palawakin pa ng DA ang saklaw ng mga interventions nito maliban sa karaniwang lugar na tanyag bilang palabigasan ng bansa sa Central Luzon at Cagayan Valley. Aniya, nais niyang makinabang rin sa tulong ng DA ang mga magsasaka sa mga rehiyon ng Soccsksargen, Bicol, at Bangsamoro.

Pinaalalahanan ni Fausto na: “prolonged dependence on price ceilings to stabilize prices can also lead to stagnation of rice production.”

Sinangayunan naman siya ni Jesus Arranza, chairman ng Federation of Philippine Industries (FPI), na inilarawan ang EO No. 39 bilang isang “palliative solution” sa problema.

Para kay Arranza, kailangan ipagpatuloy ng gobyerno ang pagtugis sa mga hoarder na iligal na nag-iimbak ng bigas upang pataasin ang presyo nito.

“Two weeks ago we heard that some hoarders were caught. We are waiting to hear that charges have been filed against them. They (hoarders) will not stop until some of them are punished,” aniya.