Trabaho, trabaho! Pinoy workers hinahanap ng Hungary, South Korea–DMW

Payo ng opisyal sa mga OFW, mag-ingat sa mga scammer na magpapanggap na mga recruiter at hihingi ng katakut-takot na halaga kapalit ng “siguradong trabaho” sa Hungary at South Korea.

Naghahanap ng mga manggagawa para sa mga pabrika at iba’t ibang klaseng skilled workers ang gobyerno ng Hungary, ayon kay DMW officer-in-charge Hans Cacdac.

Una nang nakapagpadala ng 6,000 manggagawa ang Pilipinas sa Hungary, sinabi ni Cacdac.

“The Hungarian government for their part assured not just an expedited process for hired qualified Filipino workers but also adequate protection for our Filipino workers,” ani Cacdac.

Maliban sa Hungary, nakikipagugnayan na rin ang gobyerno sa South Korea para palawigin pa ang employment permit system nito na makikinabang ang mga OFW na nais magtrabaho sa Seoul, dagdag ng opisyal.

Tuloy rin ang negosasyon sa South Korea para sa pagbalangkas ng bilateral labor agreement, na magreresulta pa sa mas maraming pagkakataon makapagtrabaho doon, paliwanag ni Cacdac.

Sinabi naman ni South Korean Ambassador Lee Sang-hwa na tinitingnan ng kanilang gobyerno na buksan sa mga OFW ang caregiving.

“We are interested in sending Filipino caregivers to Korea because you know Filipino caregivers have earned the high reputation, good reputation worldwide and that would be, in our view, a win-win partnership between our two countries,” ayon kay Lee.

Tiniyak ni Cacdac na sa ilalim ng binabalangkas na kasunduan, sisiguraduhin ng gobyerno na makakatanggap ng sapat na sahod at benepisyo ang mga OFWs, pati na rin ang mga kaukulang proteksyon.

Nakiusap rin si Cacdac sa mga OFW na tiyaking sa legal na paraan sila mag-aapply para sa trabaho dahil maraming scammer na mananamantala sa kanilang sitwasyon.

“Huwag papatol sa illegal recruiter, siguraduhing dumaan sa Department of Migrant Workers, and merong particular skills training certification requirement through TESDA accredited institutions,” ani Cacdac.