Trabaho, trabaho! Higit 4,000 call center agents, kailangan ng BPO industry

Sinabi ng Department of Labor and Employment na may 4,508 job vacancies para sa call center agent, samantalang nangangailangan ang bansa ng 4,170 production machine operators at 3,202 executive assistants.

Pinakamarami pa ring job openings sa mga call centers at business process outsourcing na kumpanya, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ng Bureau of Local Employment (BLE) ng DOLE nitong Miyerkules, Oktubre 4, na may halos 15,144 job vacancies sa buong bansa, at 4,508 dito ay para sa call center agent. Kasunod nito ay mga production machine operators na may 4,170 vacancies at executive assistants na may 3,202 vacancies.

Batay na rin sa datos ng BLE, in demand ring ang mga production workers na may 1,867 job vacancies, pati na rin mga domestic helpers na may 1,397 vacancies.

Ang datos na nakalap ng BLE ay mula sa Public Employment Service Office (PESO) Employment Information System (PEIS) at PhilJobNet, isang job-matching portal ng pamahalaan.