Trabaho na tayo agad! Modernisasyon ng agriculture industry, pagbuti ng kapakanan ng magsasaka, mangingisda, prayoridad ng bagong hirang na DA secretary

Determinado ang bagong kalihim na ipagpatuloy ang mga programang nasimulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tumayong kalihim ng Department of Agriculture ng mahigit isang taon.

Pinasalamatan ng bagong talagang Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tiwala at kumpyansa ng punong ehekutibo sa kanya para patakbuhin ang kritikal na kagawarang pinangasiwaan nito ng higit sa isang taon.

Sa kanyang talumpati matapos personal na ipakilala ng Pangulo sa mga mamamahayag, sinabi ni Laurel na malaking trabaho ang inatas sa kanya at determinado siyang ipagpatuloy ang nasimulang trabaho ni Pangulong Marcos sa Department of Agriculture.

“Pangunahing adhikain ko ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguraduhing ito ay nakakarating sa hapag ng bawat Pilipino. Layunin ko na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ang ating mga kababayan sa tamang halaga,” ani Laurel.

“Susi dito ang modernisasyon ng sector ng agrikultura, kasabay ng [pagpapabuti] sa kapakanan ng mga kapatid nating magsasaka at mangingisda. Ating sisiguraduhin na sila’y makikinabang sa mga bunga ng kanilang pagod at pagsisikap,” dagdag pa niya.

Giit ni Laurel, magiging bukas rin ang tanggapan niya sa mga mangingisda at magsasaka dahil alam niya ang pagod, hirap, at sakripisyo nito para lamang magkaroon ng pagkain sa bawat hapag ng mga Pilipino.

Humiling rin ang bagong hirang na kalihim ng suporta mula sa mga mamamayan.

“Handa akong makinig at makatrabaho kayo. Higit sa lahat, ako’y handa na magtrabaho para sa inyo. Lubos po akong naniniwala na kaya nating mapalago ang produksyon ng ating agrikultura sa tulong ng ating Presidente, ngunit hindi ko ito kakayanin mag-isa,” aniya.

“Kailangan ko ang tulong at pakikiisa ninyo at ng buong Sambayanang Pilipino,” dagdag pa ng kalihim.