Trabaho na lang muna! IRR sa Maharlika Fund, pinalabas na; PBBM, sinigurong maayos ang pagpapatupad ng batas — official

Mismong ang Pangulo ang nagbigay ng garantiya sa mga miyembro ng Maharlika Investment Corp. (MIC) na papanatilihin ang kanilang kalayaan para mapangasiwaan ang pondo ayon sa layunin nitong nakasaad sa batas, at siguruhin ang good corporate governance.

Pinarepaso ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang implementing rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) para alisin ang politika at impluwensiya sa pagpili ng mga opisyal nito, ayon sa isang miyembro ng review group.

“The reason for removing the qualifications in the IRR is to give more independence to the Board in determining the specific qualifications of the other officers of the MIC in order to carry out its mandate to efficiently manage the MIF,” sinabi ni Monetary Board Member at dating Treasurer of the Philippines Rosalia De Leon sa isang pahayag.

“The President wants the Board to be insulated from political influence and considerations and would like to give the leeway to set the qualifications in the best way they know how based on their experience and expertise in fund management,” giit pa ni De Leon.

Mismong ang Pangulo ang nagbigay ng garantiya sa mga miyembro ng Maharlika Investment Corp. (MIC), ang tagapangasiwa ng MIF, na papanatilihin ang kanilang kalayaan para mapangasiwaan ang pondo ayon sa layunin nitong nakasaad sa batas, at siguruhin ang good corporate governance, ayon kay De Leon.

Ito ang mga probisyong isinulong ng Pangulo mismo nang pulungin niya ang review group na kinabibilangan ng mga opisyal mula sa Office of the Executive Secretary, Presidential Management Staff, Bureau of Treasury, at Government Service Insurance System.

Ipinalabas na ng Palasyo ang revised IRR ng MIF Act, na nagbibigay sa Pangulo ng karapatan para tanggapin o tanggihan ang mga nominee na isusumite ng MIC Advisory Body para sa mga posisyon ng president at chief executive officer (PCEO), regular, at independent directors ng MIC Board.