Trabaho na lang, kaysa mag-welga! Transport groups, nagbabala ng malawakang tigil-pasada kontra extortion

Inirereklamo ng Pasang Masda at iba pang mga transport groups ang anila ay pangingikil ng ibang mga enforcer sa iba't ibang barangay. Nais naman muna ng grupo na mapag-usapan ang problema, pero hindi ito mag-aatubili na magtigil-pasada kung kailangan.

Katatapos pa lang ng tigil-pasada ng grupong Manibela, subalit may ikinakasa nanamang transport strike ang pinagsanib pwersa ng ibang mga transport groups.

Hindi bababa sa pitong transport groups ang nagbabala nitong Lunes, Oktubre 16, na magpapatupad sila ng transport holiday—o malawakang tigil-pasada–kung magpapatuloy ang diumanoy patuloy na pangingikil o extortion ng iba’t ibang barangay.

Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, may mga enforcers na naningil nag abot P5,000 para sa mga termina, samantalang may mga enforcer diumano na naniningil ng tig-P20 sa mga tsuper para makapasada sa ruta nila.

Sinabi naman niya na nais muna nilang makipag-usap sa mga opisyal ng mga local na pamahalaan upang matalakay ang problema. Gayunpaman, hindi ito mag-aatubili, kasama ang ibang grupo, na magsagawa ng tigil-pasada.