Tinupad na pangako: Office of the President bibigyan ng P200 milyon ang Philippine Orthopedic Center

Makatatanggap ng P200 milyong cash assistance ang Philippine Orthopedic Center mula sa Office of the President alinsunod na rin sa pangako nito na gagawing prayoridad ang health sector.

Unti-unti ng tinutupad ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ipinangako niyang pagbibigay ng mataas na prayoridad sa sektor ng kalusugan.

Kaugnay rito ay inanunsiyo ng Palasyo na bibigyan ng Office of the President ang Phiippine Orthopedic Center (POC) ng P200 milyon na tulong pinansyal.

Ikinalugod naman ito ni POC Medical Center Chief Dr. Jose Pujalte Jr., na sinabing ito ay malaking tulong upang mapanatili ang operasyon ng ospital, na nagbibigay serbisyo na sa Pilipino mula pa noong 1940s.

“To achieve true universal health care, we need the confluence of a leader’s vision, the dedication and expertise of the health workers, and wherewithal,” banggit ni Pujalte sa kanyang letter of acceptance and gratitude para sa Office of the President. “For the Filipino orthopedic sick, injured, and crippled: this moment has arrived.”

Dagdag pa ni Pujalte, gagamitin ng ospital ang ibinigay na cash assistance sa pagtulong sa mga pasyente nito. Gagamitin rin aniya ito upang makabili ang POC ng mga mas modernong kagamitan upang ma-modernize na ang mga pasilidad nito.

Ayon rin kay Pujalte, kaya na tumanggap ng POC ng mahigit 600 pasyente dahil sa nasabing cash assistance.