Timbog ang budol! Bumberong may modus na bayad kapalit ng promotion, arestado ng pulis

Nais ring matukoy ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kung may kasabwat ang suspek mula sa ahensya matapos mapag-alaman na mayroon pang tatlong biktima na nagrereklamo laban sa kanya.

Ipinag-utos ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang malalimang imbesitgasyon sa nahuling bumbero na diumanong nangangakong ng officer slots sa Bureau of Fire Protection (BFP) kapalit ang bayad.

Sa isang pahayag, kinastigo ni Abalos si Fire Officer 1 (FO1) Ramces Paul Benipayo sa kanyang nagawa, na hindi katanggap-tanggap.

“We will not tolerate this kind of illegal activity. That’s why I’ve already ordered the PNP (Philippine National Police) to work closely with the BFP (Bureau of Fire Protection) to get to the bottom of this issue and prosecute everyone involved. Walang puwang sa gobyerno natin at sa DILG or sa BFP for that matter ang mga katulad niya (There is no place for people like him in the DILG and in our government),” sinabi ng kalihim.

Nagkasa ng entrapment operation ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) and the BFP’s Intelligence and Investigation Division (IID) kung saan naaresto si Benipayo sa Muntinlupa City noong Martes, Oktubre 24.

Kinukumbinsi ni Benipayo ang mga biktima niya na magbigay ng pera kapalit ang diumanong promotion na hindi darating. Gagamitin umano ang pera pambayad sa mga “contact” niya sa liderato ng BFP.

Nais matukoy ni Abalos kung mayroong mga kasabwat si Benipayo sa hanay ng BFP, matapos mapagalaman na mayroon pang tatlong nagrereklamo laban sa suspek.

Kasalukuyang suspendido si Benipayo mula sa serbisyo habang dinidinig ng BFP ang kaso. Maaari siyang sibakin mula sa serbisyo kapag napatuyang guilty.

Nahaharap na rin ang suspek sa iba’t ibang mga kasong kriminal na isinampa sa piskalya ng Muntinlupa City.