Tigilan ang raket na ‘yan! PBBM, pinagbawal ang koleksyon ng toll fee ng mga LGUs mula sa mangangalakal

Magbebenepisyo ang mga mangangalakal sa bagong Executive Order ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil bababa ang gastos nila sa mga toll fee at iba pang singil ng mga bayan at lungsod sa mga tinatawag na “pass-through fees”

Pinatitigil na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga local government units (LGUs) ang pagkolekta ng mga “pass-through fees” upang masigurong mabilis makakadaloy ang mga kalakal sa mga rehiyon sangayon sa layunin ng gobyernong pasiglahin ang mga lokal na industriya sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.

Sa ilalim ng Executive Order No. 41, na pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong Setyembre 25, ipinagbabawal na sa lahat ng mga LGU ang pagkolekta ng mga toll fee at iba pang singil sa mga sasakyang nagdadala ng mga kalakal habang dumadaan sa mga national road at mga kalsadang hindi pinagawa ng bayan o lungsod.

“In the interest of public welfare, all LGUs are further strongly urged to suspend or discontinue the collection of fees such as, but not limited to, sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, or Mayor’s Permit fees, that are imposed upon all motor vehicles transporting goods and passing through any local public roads constructed and funded by said LGUs,” ayon sa utos ng Pangulong Marcos.

“The unauthorized imposition of pass-through fees has a significant impact on transportation and logistics costs, which are often passed on to consumers, who ultimately bear the burden of paying for the increase in prices of goods and commodities,” paliwanag pa ng Executive Order.

Iginiit ng EO na layunin ng gobyerno ng Pangulong Marcos na ibaba ang gastos sa logistics at transportation ng mga mangangalakal.

Magiging epektibo ang kautusan kaagad matapos ang pagpapalimbag nito sa Official Gazette o sa pahayagang may general circulation.

Inatasan ng EO ang Department of the Interior and Local Government para pangasiwaan ang implementasyon nito.