Tigil-pasada muna si kuyang taga! LTO, sinuspindi ang lisensiya ng drayber na nakuhanang nananaga ng pasahero sa NAIA

Hindi na rin papayagang kumuha ng pasahero sa NAIA ang kumpanya ng taxi na kinabibilangan ng drayber na nahuli-cam na nananaga ng turistang pasahero.

Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension ang drayber ng taxi na nakuhanang nananaga ng turistang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II, binigyan na rin ng ahensiya ng Show Cause Order (SCO) ang drayber na nakilalang si Arnel Acle.

Pinagpapaliwanag ng naturang SCO si Acle kung bakit hindi siya dapat parusahan matapos nitong labagin ang tatlong probisyon sa Joint Administrative Order 2014-01: overcharging ng pasahero, pagiging arogante at bastos sa pasahero, at paglabag sa prangkisa.

BASAHIN RIN: Bilang na ang araw ng mga taga! Mga suspek sa airport taxi scam, tukoy na ng awtoridad

Pinagpapaliwanag rin siya kung bakit hindi siya dapat parusahan sa paglabag sa Republic Act No. 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, na may kaparusahang pagkansela sa lisensya.

“Under the guidance of Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista, we are now coordinating with the Land Transportation Franchising and Regulatory Board on the sanctions that may be imposed on the operator of the taxi,” ani Mendoza.

Samantala, sinabi rin ni Bautista na hindi na papayagang kumuha ng pasahero sa NAIA ang kumpanya ng taxi na kinabibilangan ni Acle.