Tigil n’yo na ang raket na ‘yan! Lusot sa Kamara ang panukalang pagtaas sa parusa ng mga agricultural smugglers, hoarders – Romualdez

Habangbuhay na pagbilanggo ang nag-aantay sa mga smuggler at hoarder ng bigas at iba pang mga agricultural products kapag naging ganap na batas na ang panukala, paliwanag ni House Speaker Martin Romualdez.

Bilang na ang mga araw ng hoarder at smuggler ng agricultural products gaya ng bigas, isda, at iba pa dahil pasado na sa Kamara ang amyenda sa kasalukuyang Anti-Agricultural Smuggling Act, or Republic Act (RA) No. 10845 na magpapataw ng habangbuhay na pagkakabilanggo sa mga kriminal, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Nagkaisa ang mga miyembro ng Kamara sa pagpasa ng House Bill (HB) No. 9284 noong Miyerkules, Setyembre 27. Sa ilalim ng panukala, ginawa nang krimen na economic sabotage ang pagpuslit ng bigas at iba pang agricultural products na may katapat na parusang habangbuhay na pagkabilanggo, ayon kay Romualdez.

“Malapit nang matapos ang mga maliligayang araw ng mga smugglers, hoarders, at ang mga nagca-cartel. Your days are numbered. Once this bill is enacted, we will use its provisions to the fullest in order to prosecute these evil-doers who made our kababayans suffer,” ani Romualdez.

Umaasa si Romualdez na masisindak ang mga smuggler at hoarder ngayong mas mataas na ang parusa sa krimen na nagpapahirap sa mga Pilipino.

“This bill will help realize President Marcos’ aspirations of affordable produce and food self-sufficiency. It’s unanimous passage speaks volumes,” ani Romualdez, at sinabing handa ang Kamara na suportahan ang mga inisyatibo ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang kalihim ng Department of Agriculture.

Ipinasa ng Kamara ang amyenda sa batas habang tinatalakay ang 2024 national budget.