Tigil na muna sa AI Yearbook Challenge, mga mamser! Iwasan muna ang paggamit sa mga AI image generator apps — House official sa mga miyembro, empleyado ng Kamara

Nagbabala ang liderato ng Kamara sa panganib na dulot ng mga artificial intelligence (AI) image generator apps matapos ma-hack ang website ng Kongreso halos dalawang linggo na ang nakakalipas.

Inabisuhan ng Kamara ang mga miyembro at empleyado nito na huwag gumamit ng mga artificial intelligence (AI) image generator apps dahil sa peligrong dulot nito.

Naglabas ng isang kalatas si House Secretary General Reginald Velasco na ibinahagi sa Kamara, halos dalawang linggo matapos mabiktima ang website nito ng mga hackers.

“Leadership of the House of Representatives would like to advise all the members of its community and workforce to refrain from using AI image generator applications which require the submission of photos to create an image which mimics and replicates the moves and looks of an actual person,” ani Velasco.

“This application poses privacy and security risks for anyone due to the possible creation of fake profiles, identity theft, and other malicious cyber activities. We encourage everyone to be very vigilant in acquiring applications or sharing information online,” dagdag pa ng opisyal.

Sinalakay ng mga hacker ang website ng Kamara kung saan nilagay nila ang mga katagang “YOU’VE BEEN HACKED. YOU’VE BEEN HACKED. HAVE A NICE DAY” sa homepage nito.

Inilagay rin ang litrato ng isang lalaking tumatawa na may kalakip na mensahe na “HAPPY APRIL FULLZ KAHIT OCTOBER PALANG! HACKED BY 3MUSKETEERZ 15-October-2023 || 11:31:24 AM.”