Tigas talaga ng mga ulo! Higit sa 1,000 disqualification cases, maaaring isampa laban sa mga pasaway na kandidato – Comelec

Bantay-sarado ng Commission on Elections (Comelec) kahit ang social media kung saan kumakalap ito ng ebidensya na ginagamit na basehan sa mga disqualification cases, ayon sa isang opisyal.

Maaaring umabot sa higit 1,000 disqualification cases ang isasampa laban sa mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon kay Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia.

“Sa mga susunod na araw, asahan na baka umabot pa sa mahigit 1,000 ang ipa-file ng task force na disqualification cases,” sinabi ni Garcia sa isang panayam.

“Sa Lunes, nasa 40 ang ipa-file na disqualification cases… Sa Martes, parehas na bilang… Araw-araw magpa-file ang task force,” dagdag pa niya.

Noong Biyernes, Setyembre 29, naghain na ng 35 na disqualification cases ang Comelec Task Force Epal dahil sa maagang pangangampanya.

“Ang naisyuhan natin ng show cause order sa buong bansa ay almost 3,600 na… Sa 3,600, ‘yung 35 sinampahan na ng disqualification case… Hopefully makapag-desisyon bago ang BSKE sa October 30,” paliwanag pa ni Garcia.

Inatasan ng Comelec ang Task Force Epal na kumalap ng mga ebidensya laban mga kandidatong lumabag sa panuntunan ng eleksyon, ayon kay Garcia.

“Ang 35 na sinampahan ng disqualification case ay may kaugnayan sa premature campaigning, base na rin sa mga reklamong natanggap natin… Kasama diyan ang mga natanggap at nakita nating video sa social media,” ani Garcia.

“‘Yung 35 kahapon na sinampahan ng disqualification case, initial pa lang… Ayon sa task force, araw-araw sila magpa-file ng disqualification cases… Masusing ina-assess ang mga ebidensiyang nakalap at ang mga sagot sa show cause order,” dagdag pa niya.