Temporary shelter para sa mga nililikas na Pilipino sa Israel, nagkakaubusan na—PH Embassy

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy in Israel sa mga simbahan at iba pang pasilidad ng gobyerno tulad ng mga halfway houses para dalhin ang mga Pilipino inililikas sa conflict areas.

Nagsisimula nang magkaubusan ng mga temporary shelter para sa mga rescued na Pilipino sa Israel, ayon sa Philippine Embassy in Israel.

Patuloy nang naghahanap ang mga embassy staff ng mga lugar kung saan pwedeng dalhin ng gobyerno ang mga Pilipinong na-rescue sa gitna ng matinding bakbakan sa pagitan ng pwersa ng Israel at militanteng Hamas, ayon kay Consul General Anthony Mandap.

“Sa ngayon ang ka-kumpitensya natin yung kanilang armed forces eh kasi maraming hotel parang sine sequester na nila para magamit ng mga sundalo kaya medyo nangangamba kami na baka maubusan tayo, mabuti may mga options tayo na ganito,” ani Mandap.

Nakikipag-ugnayan na ang embahada sa mga local shelter at mga simbahan sa iba’t ibang lugar sa Israel upang maghanap ng pagtutuluyan sa mga kababayan natin doon, ayon pa sa opisyal.

Tumatanggap na ang mga rescued na Pilipino ang mga halfway house ng Department of Migrant Workers sa Israel, bilang tulong sa embahada, paliwanag ng opisyal.

Mayroong higit sa 30,000 na Pilipino sa Israel, at karamihan sa kanila ay nakatira sa Tel Aviv. Nasa Alert Level 2 ang bansa, kung saan hinihikayat ng embahada ang mga Pilipino na mamalagi sa loob ng mga tirahan at bawasan ang mga hindi importanteng lakad.