Teka, silipin muna namin uli: Panukalang budget ng PSA, binawi muna ng Senado

Ang dahilan ng pagbawi ay ang pagkakadiskubre ng Senado ng pagbibigay diumano ng PSA ng birth certificate sa mga banyaga, na nakatulong naman upang makakuha sila ng pasaporte ng Pilipinas.

Binawi ng Senado ang panukalang budget ng Philippine Statistics Authority (PSA) na una na nitong inaprubahan sa isang plenaryo.

Ginawa ito ng Senado habang tinatalakay sa hiwalay na plenaryo nitong Huwebes, Nobyembre 9, ang panulakang budget naman ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang dahilan ng pagbawi ay ang pagkakadiskubre ng Senado ng pagbibigay diumano ng PSA ng birth certificate sa mga banyaga, na nakatulong naman upang makakuha sila ng pasaporte ng Pilipinas.

Pinunto ito ni Senador Ronald dela Rosa, na nagpresinta ng impormasyon galing sa Department of Justice na may 10 banyaga na diumano ang nakakuha ng Philippine passport dahil may birth certificate mula sa PSA.

Sinegundahan ito ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, ang sponsor ng budget ng DFA. Ayon sa kaniya, sinabi ng DFA sa isang pahayag na “foreign nationals pose themselves as Filipinos by issuing Filipino identities through the presentation of authentic and genuine PSA birth certificate, with valid government-issued ID cards that are accepted for a passport application.”

Tiniyak naman ni Legarda na iniimbestigahan na ito ng DFA.

Si Senate Majority Leader Joel Villanueva ang naghain ng mosyon para bawiin muna ang budget ng PSA. Sinag-ayunan naman ito ng iba pang mga senador.