‘Teka, ibang usapan na ‘yan’ Diokno tutol sa excise tax suspension sa petrolyo

Mariing tinututulan ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang mga panawagang suspendihin ang tax sa produktong petrolyo dahil ito aniya ay makasasama sa ekonomiya at makakaapekto sa kita ng gobyerno.

Kung si Finance Secretary Benjamin Diokno ang tatanungin, hindi dapat suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kahit pa 11 na sunod na linggo ng nagtataas ang presyo ng petrolyo.

“Any of the proposals [to suspend taxes on oil products] will adversely affect our economic and fiscal recovery, our international credit ratings, and our overall debt management strategy while benefiting primarily the rich and without providing lasting inflation relief,” paliwanag ni Diokno nitong Martes, Setyembre 19, matapos manawagan ang grupong Infrawatch PH kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang value added tax sa produktong petrolyo.

Ayon rin kay Diokno ang mga panawagang ito ay “short-sighted” at “ill-advised” dahil maaari itong magdulot ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa at maging sa kita ng gobyerno.

Dagdag pa ni Diokno, kung sususpindihin halimbawa ng pamahalaan ang tax sa produktong petrolyo sa huling tatlong buwan ng taon, mawawalan ng mahigit-kumulang P72.6 bilyon ang gobyerno—na katumbas naman ng 0.3 porsyento ng gross domestic product ng Pilipinas.

Aniya, mas makabubuti pa kung magbigay na lamang ang gobyerno ng “targeted aid” para sa mga naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.