Tax exemption para sa mga guro, isinusulong sa Kamara

Sakaling maaprubahan, magbebenepisyo rito ang higit sa 880,000 na guro sa pampublikong mga paaralan, ayon sa mambabatas.

Inihain sa Kamara ang pagbibigay ng exemption sa pagbayad ng buwis ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng House Bill No. 9106, nais ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na magbigay ng exemption sa withholding tax ang lahat ng sahod, allowance, at benepisyo na ibinibigay sa mga guro sa pampublikong paaralan, kabilang ang mga state universities and colleges.

Kapag naging batas ang panukala, magbebenepisyo rito ang higit sa 880,000 na guro ayon sa huling tala ng Department of Budget and Management.

“It is vital that the government attract the most competent and efficient teachers for the benefit of our students. To do this, the government must provide compensation and benefits, whether monetary or otherwise, commensurate to the work they perform and the contribution they make to society,” sinabi ni Rodriguez.

Isa ang panukala ni Rodriguez sa iba pang mga House bill na naglalayong isulong kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan tulad ng pagtaas ng hiring rate mula Salary Grade 11, na may base pay na P27,000 sa Step 1, hanggang Salary Grade 15, na may base pay na P36,619 sa Step 1.