Tatanggalin ang bawal: Comelec, kinasa na ang ‘Operation Baklas’ para sa kampanya

Maraming patakaran na may kaugnayan sa pangangampanya ang dapat sundin ng mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections. Kung hindi sila susunod ay maaaring masita sila ng Operation Baklas ng Comelec.

Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na sumunod sa mga patakaran pagdating sa paggamit at paglalagay ng mga gamit pangkampanya.

Ayon sa memorandum na ibinaba ng Office of the Deputy Executive Director for Operations, may mga takdang lugar lamang kung saan pwede magkabit ng mga poster at sticker ng mga kandidato. May mga patakaran din sa mga election materials na pwedeng gamitin.

Kaugnay nito, ikinasa na ng Comelec ang Operation Baklas sa Oktubre 20 at 27 upang tanggalin o baklasin ang mga election materials na hindi susunod sa mga patakaran ng Comelec.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ay:

• Billboards, posters, at tarpaulins na mas malaki 2 by 3 feet

• Mga materyal na lumalabag sa prinsipyo ng gender sensitivity sa Magna Carta for Women

• Materyales na offensive o discriminatory

• Posters na walang nakalagay na “Political advertisement paid for/by” o “Printed free of charge”

Pinaalala rin ng Comelec na bawal mamahagi ng mga t-shirt, baller ID, bag, sun visor, hat/cap, umbrella, handkerchiefs, at iba pa. Bawal rin mamahagi ng pagkain, pera, o kung anu-ano pa sa mga campaign rally or sortie.