Taray, may pa-online order na! DTI, US government itinayo ang ecommerce platform para sa produktong pang-agrikultura

Inilunsad na ang NVAT Fresh Online Platform, isang business-to-businesses ecommerce platform kung saan pwedeng bumili ang mga malalaking kumpanya ng agricultural products rekta sa mga magsasaka mismo.

Maaari nang umorder online ng mga produktong pang-agrikultura ang mga malalaking kumpanya—at ito ay rekta na sa mga magsasaka mismo. Kabilang sa mga produktong ito ay prutas, gulay, at bigas.

Ito ay posible na dahil sa itinayong ecommerce platform nang magkasanib pwersa ng pamahalaan ng Estados Unidos, Department of Trade and Industry (DTI), at Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).

Ang nasabing e-commerce platform, ang NVAT Fresh Online Platform (NVATFresh.com), ay tutulong sa mga farmer-trader na nakabase sa Luzon na palawakin ang kanilang tinatawag na market reach—o ang kapasidad maabot ang mas maraming mamimili.

Ang NVAT Fresh Online Platform ay isang business-to-business online platform kung saan pwedeng ilista ng mga magsasaka ang kanilang mga produktong ibenta sa mga malalaking kumpanya, gaya ng supermarkets at restaurant chains.

“Through the platform, farmers can leverage competitive pricing, secure a consistent income, reduce food wastage, and ensure the delivery of fresh, affordable produce straight to businesses and consumers,” paliwanag ng US Embassy sa isang pahayag.

Dagdag pa ng US Embassy, tumulong ang US Agency for International Development (USAID) sa pagsisimula ng NVAT Fresh Online Platform, na direktang pamamahalaan ng NVAT, isang agricultural hub na nakabase sa Luzon.