Taragis owner umaming scripted ang April Fool’s Day prank

Isiniwalat ng Taragis takoyaki owner na si Carl Quion na planado niya ang lahat ng nangyari sa palpak na April Fool's Day prank niya kamakailan.

Isiniwalat ng Taragis takoyaki owner na si Carl Quion na planado niya ang lahat ng nangyari sa palpak na April Fool’s Day prank niya kamakailan.

Sa video na pinost ng Taragis sa Facebook, ibinunyag ni Quion na nakaraang taon pa niya pinag-isipan kung paano mapapansin ng madla ang kanyang negosyo.

Dito na sumagi sa isip niya na kontratahin ang isang tao na kakayaning magpa-tattoo ng logo ng Taragis sa noo, kapalit ng P100,000. Sa kanyang paghahanap sa social media lumutang si Ramil Albano.

Pumayag si Albano na ipa-tattoo sa noo ang logo ng Taragis kapalit ng nasabing halaga. Para umano ito sa kanyang anak na isang special child.

Saad pa ni Quion, nitong Marso ipina-tattoo ni Albano sa kanyang noo ang Taragis logo. Pinakiusapan na lamang niya si Albano na huwag munang lumabas ng bahay upang hindi mabulilyaso ang kanilang plano.

At nito ngang Abril 1, pinost ng Taragis ang April Fool’s Day prank na sinumang magpa-tattoo ng logo ay tatanggap ng P100,000. Umeksena agad si Albano sa comment section para magkunwaring ‘di naintindihan ang prank at nagpa-tattoo ng logo sa noo.

Agad na nag-viral ang post ng Taragis at pinutakte ng mga basher ang kanilang FB post. Lalo pang nagalit ang mga netizen nang sabihin ng Taragis na hindi nila papanagutan si Albano dahil malinaw na prank ang nakalagay sa kanilang post.

Matapos mag-viral, naglabas ng video si Quion upang puntahan si Albano at ibigay ang ipinangakong P100,000.

Ngunit ilang araw pagkaraan nito, lumutang ang ilang netizen para sabihing tila scripted ang lahat ng nangyari. Base ito sa mga lumang post ng Taragis kung saan naispatan si Albano. Bukod pa rito, napansin na tila luma na ang tattoo ni Albano sa noo.

Kaya naman, umamin na si Quion na scripted ang lahat ng nangyari.

“Oo, nagsinungaling ako sa inyo at gusto kong humingi ng tawad. Dinala namin kayo dito sa isang malaking marketing stunt na may iba’t ibang klaseng emosyon, diskusyon, at pagpapakitang tao,” pahayag ni Quion.

Samantala, umabot sa P200,000 ang mga ipinadalang tulong ng iba’t-ibang negosyo kay Albano dahil sa prank. Ayon kay Quion, noong una’y tinanggihan na nila ang mga tulong ngunit ‘di na umano ito tinanggap ulit ng mga donor.